Header Image

News Image

DepEd, sinusulong ang future-ready reforms sa edukasyon

Published on: July 16, 2025 | Author: DepEd Philippines

Kasunod ng inilabas na global ranking ng Pilipinas sa education readiness, muling iginiit ng Department of Education (DepEd) ang hangarin nitong paghandaan ang kinabukasan ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng mga reporma at digital innovations, alinsunod sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa national development. Batay sa Global Education Futures Readiness Index (GEFRI), pumwesto ang Pilipinas sa ika-74 sa 177 na bansa, na may kabuuang score na 56.32 sa 100. Ayon sa ulat, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may “emerging and partial readiness” dahil sa ilang hamon sa pamamahala, inobasyon, imprastruktura, at patas na access sa dekalidad na edukasyon. Bilang tugon, pinalalalim ng DepEd sa pamumuno ni Kalihim Sonny Angara ang mga pangmatagalang reporma para masigurong makasabay ang mga paaralan at kabataang Pilipino sa mabilis na pagbabagong global. “Pinapaganda natin ang sistema para maging mas maayos, mas makabago, at mas kapaki-pakinabang sa mga guro, magulang, at bata. Hindi ito madali, pero kailangang simulan at sabay-sabay nating gawin,” ani Angara. Bilang bahagi ng paghahanda sa hinaharap, itinatag ng DepEd ang Education Center for Artificial Intelligence Research (ECAIR)—ang kauna-unahang inisyatibo sa sektor ng edukasyon sa bansa na gumagamit ng AI at data science para tugunan ang matagal nang isyu sa pagtuturo, pagpaplano, at pamamahala ng mga paaralan. Kabilang sa mga tool na kasalukuyang dine-develop ng ECAIR ang SIGLA, isang app na ginagamit para sa mas mabilis na pagsukat ng height at weight ng mga mag-aaral; TALINO, isang geospatial mapping tool para sa Adopt-a-School Program; at DUNONG, na tumutulong sa pagproseso ng exam data ng mga school leader. Patuloy ding dinedevelop ang SALIKSeek, isang chatbot na nagpapabilis ng access sa data para sa mga taga-DepEd. Samantala, nasa prototype stage pa ang SABAY, na layong tumulong sa maagang pagsusuri ng cognitive risks ng mga bata, at LIGTAS, na tumutukoy sa mga geohazard sa paligid ng mga paaralan. Ayon sa DepEd, ang mga AI tool na ito ay sumusunod sa mahigpit na AI Governance Framework na nakaangkla sa international standards, upang matiyak ang responsableng, makatao, at transparent na paggamit ng teknolohiya. Kasabay nito, ilulunsad ng kagawaran ang Project Bukas, isang open data initiative na maglalabas ng 22 dataset sa Agosto 2025, kabilang ang enrollment, resource inventory, at learning outcomes—para magamit ng mga paaralan, LGU, at stakeholders sa paggawa ng mas matalinong desisyon. Isinusulong din ng DepEd ang Strengthened Senior High School Curriculum, na may kasamang Technical-Vocational Education and Training (TVET) na binuo kasama ang TESDA, CHED, at DOLE. Sa bagong polisiya, kinikilala na rin ang SHS graduates bilang kuwalipikado para sa first-level civil service positions, isang malaking hakbang para sa mas malawak na oportunidad sa trabaho. “Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos, ginagawa nating mas matatag at makabuluhan ang edukasyon—nakabase sa datos, bukas sa teknolohiya, at suportado ng buong komunidad,” dagdag ni Angara. Kasama rin sa mga inisyatibo ng DepEd ang PSIP Connect, na naglalayong maghatid ng devices, solar energy, at satellite internet sa mga liblib na paaralan, at ang Bayanihan SIM Program, na tumutulong sa libo-libong guro at estudyante na magkaroon ng mas maayos na koneksyon. Ang mga programang ito ay patunay na ang pagbabago sa edukasyon ay hindi magagawa ng gobyerno lang kundi sama-samang gawain ng mga guro, magulang, LGU, pribadong sektor, at ng buong sambayanang Pilipino.