
DepEd, DICT bilis-kilos para sa school connectivity; PBBM inilunsad ang National Fiber Backbone Phases 2 & 3
Binigyang diin ni Education Secretary Sonny Angara na napaka importante sa kalidad ng edukasyon ang pagkakaroon ng internet sa lahat ng pampublikong paaralan. Kaya naman magkatuwang ngayon ang Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT) para lalong mapabilis ang internet sa mga pampublikong paaralan. Ito ay kasunod ng paglulunsad ng Natinal Fiber Backbone (NFB) Phase 2 at 3 noong Hulyo 7 sa Leyte sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. Sa pagpapalawak ng NFB, nadagdag ang 31 bagong connection points sa Luzon, Visayas, at Mindanao na magpapalakas sa internet access at bandwidth ng mga lalawigan at tanggapan ng pamahalaan, kabilang na ang mga pampublikong paaralan sa mga liblib at di gaanong naaabot na lugar (GIDA). Ayon kay Pangulong Marcos, makikinabang dito ang mahigit 600 tanggapan ng gobyerno at halos 17 milyong Pilipino. “Mahigit 600 tanggapan ng gobyerno ang magkakaroon ng mabilis at maaasahang internet. Mapapakinabangan ito ng halos 17 milyong Pilipino,” ani Pangulo. “At kapag buo na ang National Fiber Backbone, maaari pang mabawasan ang gastos sa mga telco at internet providers dahil may sarili na tayong imprastruktura. Mas abot-kayang internet, mas maraming Pilipino ang konektado.” Kasama rin sa paglulunsad sina House Speaker Martin Romualdez at DICT Secretary Henry Aguda. Para sa DepEd, malaking bagay ang proyektong ito. Ang fiber backbone ang magsisilbing gulugod ng Digital Bayanihan Project ng DepEd at DICT para marating ang mga last-mile schools o ang mga paaralang pinakamahirap abutin. Isa sa mga napagkalooban na ng koneksyon ay ang Bay-ang National High School sa Ajuy, Iloilo. Dati itong itinuturing na “dead spot,” pero ngayon, may libreng WiFi na silang nagagamit sa paaralan. “Pahirapan kaming mag-submit ng mga school reports, lalo na halos lahat ng reports is online yung submission. Kapag may online webinars noon, pumupunta pa kami sa lugar kung saan may internet connection. Pero lahat ng ’yan nabago nung dumating ang free WiFi for all ng DepEd at DICT,” ani Mr. Harence Cacho, school head ng paaralan. Bahagi rin ng kampanya ang Bayanihan SIM Program, na nagbibigay ng libreng SIM card na may internet data sa mga guro at mag-aaral. Umabot na sa 113,000 learners, 3,800 teachers, at 357 public schools ang napili para sa distribusyon. Nagsimula na ang rollout noong Hunyo 27 sa mga lalawigan ng Bulacan, Zambales, at Quezon. Samantala, ang PPP for School Infrastructure Project for Digitalization (PSIP Connect) ay maghahatid ng mga digital device, solar-powered systems, at satellite internet packages sa mga paaralang kulang sa kagamitan sa mga susunod na taon. “Hindi natin mapapalago ang kalidad ng edukasyon kung hindi konektado ang ating mga paaralan sa mundo. Sa tulong ng DICT at ng buong pamahalaan, isinusulong natin ang digital inclusion na tunay na may malasakit,” ani Education Secretary Sonny Angara. Habang puspusan na ang rollout ng National Fiber Backbone at iba pang mga programa ng DepEd, tinutupad ng administrasyong Marcos ang layunin nitong maghatid ng dekalidad, makabago, at inklusibong edukasyon sa bawat sulok ng bansa—anuman ang layo. Mula Luzon hanggang sa pinakaliblib na isla ng Visayas at Mindanao, ang edukasyon ang nasa sentro ng digital na rebolusyon ng Pilipinas.